Aabot sa 2,600 libreng Wi-Fi sites sa buong bansa ang hindi gumagana dahil sa kabiguan ng gobyerno na bayaran ang mga telecommunications contractors, ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT)..
Sa report ng Inquirer.net, ibinunyag ni Information and Communications Secretary Ivan John Uy na 20 porsiyento ng kabuuang 13,000 libreng Wi-Fi sites sa bansa ang tumigil sa operasyon habang dahil sa hindi sapat na pondo para mag-renew ng mga kontrata. Kabilang dito ang mga lugar na may limitadong internet access, na nagpapalala sa “digital divide.”
Paliwanag niya, humihiling ang DICT ng kinakailangang budget mula noong nakaraang Disyembre ngunit P4 bilyon lamang ang inilaan – na hindi sapat para masakop ang mga renewal ng kontrata. Karagdagang P5 bilyon ang kailangan para sa pagpapalawak ng mga libreng Wi-Fi sites gaya ng ipinag-uutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag ni Uy, ang pagkaantala sa disbursement ng pondo ay maaaring magresulta sa 60-araw na downtime para sa mga apektadong Wi-Fi site habang ang gobyerno ay sumasailalim sa proseso ng rebidding para sa mga bagong kontratista.
Hinihimok ngayon ng DICT ang Kongreso na aprubahan ang P9 bilyong badyet para maibalik ang mga offline na Wi-Fi sites at palawakin ang internet connectivity sa buong bansa.