Nilagdaan ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang ordinansang naglalayong magdodoble sa birthday cash gift para sa mga senior citizen kung saan makakatanggap sila ng benepisyong mula P1,000 hanggang P2,000 simula ngayong buwan ng Agosto.
Nakasaad sa Ordinance No. 40 Series of 2024 o ang “Ordinance Increasing the Grant of Birthday Cash Gift to All Bona Fide Senior Citizens in the City of Marikina and Appropriating Funds Therefor,” na ang pagkakaloob ng “birthday cash gift” ay hindi lamang isang financial benefit sa matatandang Mariqueño kundi isang pagkilala at pagpapahalaga sa mga naging ambag nila sa paghubog sa kanilang lungsod.
Layunin din ng ordinansa na makapagbigay ng dagdag na tulong pinansyal sa seniors dahil sa tumataas ang antas ng pamumuhay. Marami rin sa kanila ang umaasa sa “fixed income” na maaaring hindi sapat sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon pa kay Teodoro, ang panukala ay hindi lamang mapapakinabangan ng mga senior citizen kundi maging sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Ito ay isang regalo na hindi lamang magbibigay saya sa inyo, kundi maibabahagi rin ang selebrasyon na ito sa inyong mga mahal sa buhay, mga anak, apo, at mga apo sa tuhod,” aniya.
Nagpapasalamat naman si Vice Mayor Marion Andres, isa na ring senior citizen, sa paglagda ni Teodoro sa ordinansa.
“Increasing this amount by an additional PHP1,000, for a total of PHP2,000, will provide greater financial assistance to senior citizens, helping to address their unique needs and improve their quality of life, thereby promoting their well-being and dignity,” aniya.
Hindi na bago ang nasabing pagbibigay ng birthday cash gift sa lungsod ng Marikina dahil noong 2016, ipinasa ng lokal na pamahalaan ang Ordinance No. 60 na nagbibigay ng P1,000 birthday cash gift sa mga senior citizen.
Ayon naman sa pinakahuling datos ng Office of Senior Citizens Affairs ng nasabing lungsod, humigit-kumulang 96,000 senior residents ang maaaring makinabang sa pinakabagong “upgraded birthday cash gift.”