Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo ang pagsibak ng travel tax na ipinapataw ng gobyerno sa mga Pilipinong lumilipad sa pamamagitan ng economy class sa alinmang sulok ng mundo.
Binigyang-diin ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, na ang pagpapataw ng travel tax bago makapag-ibang-bayan ay isang paglabag sa constitutional right to travel alinsunod sa ating 1987 Constitution na nakapaloob sa Article III, Section 6 ng Bill of Rights.
Sa ilalim ng nasabing batas, kinikilala ang karapatan ng mamamayang Pilipino sa paglalakbay o right to travel.
Pagdiin pa ng mambabatas, ang karapatang ito sa paglalakbay ay hindi dapat mabali maliban sa interes ng pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, o kalusugan ng publiko, na maaaring itakda ng batas.
Samakatuwid, nais niyang ipawalang-bisa ang Presidential Decree (PD) 1183 na inilabas noong 1977 na naging batayan ng patuloy na pagpataw ng gobyerno ng travel tax sa mga biyaherong Pinoy.
Ayon sa nakasaad sa PD 1183, ang mga Pilipinong exempted sa pagbabayad ng buwis sa paglalakbay ay mga overseas Filipino workers, mga sanggol, at mga opisyal ng gobyerno at mga korporasyon sa opisyal na paglalakbay.
Ngunit sa isinusulong na panukalang batas ni Tulfo, magiging exempted na rin sa travel tax ang lahat ng mga pasaherong nasa sa economy class.
Pero ang mga pasahero sa first and business class ay mananatiling magbabayad pa rin ng tinatawag na luxury tax.
Photo credit: Facebook/MIAAGovPH