Mga KapNoy ko, kumakailan lamang ay nabalitang marami raw ang sumama ang loob kay dating Mayor Isko Moreno dahil daw sa kawalan nito ng palabra de honor.
Sinabi raw nito dating hindi tatakbo para Mayor ng Maynila upang maka-bwelo naman sa kanyang paninilbihan bilang Mayor si Dr. Honey Lacuna. Matatandaang sa kataasan ng kanyang kasikatan bilang Mayor dati ng Manila ay tumakbo para presidente si Moreno. Inindorso nya ang kanyang bise-mayor noong panahong ‘yun.
Ngayong magkakaroon uli ng eleksyon sa susunod na taon, mukhang ang inindorso n’yang Mayor ng Manila ay kanya namang kakalabanin. Aba, nasaan na ang paninindigan sa salita? Sa sitwasyon ito nina Moreno at Lacuna, masasabi pang may pagka-balimbing din itong si dating Mayor Moreno.
Huwag na tayong magtaka mga KapNoy. Sadyang ganyan na ang politika ngayon. Wala na yatang palabra de honor at ang pagiging balimbing ay tanggap nang katangian ng ating mga politiko.Â
Aba’y napadami nang ganyan sa mundo ng politika sa ating bansa. Iba ang sinasabi, tapos iba ang gagawin. Iba ang kaalyado, tapos magbabago ng mga kakampi. Dating magkakampi, magiging magkalaban na.
Dating ka-unity, katagalan ay kalaban na ang ito at magkakaroon na ng bagong ka-unity uli, na maaaring maging kalaban muli at magkakaroon uli ng iba na namang ka-unity.
Mga dramang hindi tatakbo, serbisyo lang. Tapos tatakbo rin pala. Mga gimik na dahil gusto raw ng mga mamamayang sila ay tumakbo. Mga gimik na sadyang tinatangkilik.
‘Yan mga KapNoy ang politika sa atin. Ang paninindigan ay napakadaling isantabi.
Ang tanong ko lang mga KapNoy, kung sa mga binibitawang salita ay karaming hindi naninindigan, bakit natin pinagkakatiwalaang mga pangako sa kampanya ay paninindigan din? At kapag nanalo na ang walang palabra de honor na kandidato, ang hahanapin naman ng mga mamamayan ay kamalian ng mga hinalal.Â
Mawalang galang na po mga KapNoy, ang ating politika ay talamak na ang kawalan ng paninindigan sa mga sinasabi. Pero ang siste ay naniniwala pa rin tayo at nagtitiwala.
Mga politikong walang pangundangang hindi tutupad sa mga sinabi’t ipinangako. Mga alyansang pansamantala lamang. Mga botanteng sa pamamagitan ng kanilang boto ay nagsabing suportado ang kandidato. Pero kapag naninilbihan na ang ibinoto, itong mga botante rin ang magsasabing mali o walang kwenta ang binoto nila.Â
Kawalan ng palabra de honor sa ating politika ay parehong kaugalian na ng mga politiko at mga botante. Nakakatawa lang, lahat tayo ay naniniwala sa ating mga salitang hindi naman natin napanghahawakan.Â
Kaya mga KapNoy, ang aking tanong, sa paparating na kampanyahan, kayanin na kaya nating muli ay magkaroon ng palabra de honor ang mga kandidato at tayo mismong mga botante?
Photo credit: Facebook/iskomorenodomagoso, Facebook/DoktoraHoneyLacuna
Disclaimer: The views and opinions expressed by the author in this piece do not necessarily reflect those of Politico.ph.Â