Tinuligsa ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagmumungkahi na ang paggastos ng P64 kada araw sa pagkain ay sapat na para maiahon ang mga indibidwal sa kahirapan.
Kinuwestiyon din niya ang pag-unawa ng ahensya sa mga economic realities na kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino.
“Saang planeta kaya nabubuhay ang mga taga-NEDA para sabihin ito?” bulalas ng mambabatas. “Nasubukan na ba nilang mabuhay na P64 lang para sa pagkain sa buong araw ang gagastusin tapos sasabihin na di ka na mahirap kapag ganoon?”
Pinuna pa niya ang administrasyong Marcos sa pagbibigay prayoridad sa mga istatistika kaysa sa aktwal na kapakanan ng mga tao. “Nakakagalit at nakakainsulto ang ganitong mga pahayag ng Marcos admin. Para lang masabing bumaba na ang bilang ng mga food poor, mas mahalaga pa sa kanila ang statistics kaysa maibsan ang tunay na kalagayan ng mamamayan. Ang kailangan ng mga manggagawa ay substansyal na dagdag sahod hindi minagic na computation,” iginiit ni Castro.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang hindi praktikal ng P64 na pang-araw-araw na badyet sa pagkain. “Sa ganitong komputasyon kasi ay lalabas nyan lagpas P20 per meal per tao lang e hindi naman ubra yun. Ano na lang ba nabibili sa P20? Turon o banana que o kaya noodles. Hindi tatagal sa katawan ng tao yun. Hindi aabot sa normal calories na kailangan per day,” paliwanag niya.
Photo credit: House of Representatives website, Facebook/pnagovph