Nahaharap sa panibagong graft complaint si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos magsampa ng kaso ang isang residente laban sa kanya at sa tatlo pang opisyal ng lungsod noong July 30, 2024.
Ang reklamo, na inihain ni Michelle Prudencio sa Office of the Ombudsman, ay inaakusahan si Sotto, kasama ang Human Resources Development Office head na si Elvira Flores, City Administrator Jeronimo Manzanero, at Bids and Awards Committee head Josephine Bagaoisan, ng paglabag sa Government Procurement Reform Act at Anti-Graft at Corrupt Practices Act.
Sinabi niya na nabigo ang mga opisyal na mamigay ng ipinangakong cash allowance na P1,500 sa mga empleyado ng Pasig City Hall para sa ika-451 na selebrasyon ng “Araw ng Pasig” noong July 2, 2024. Sa halip na cash, ang mga empleyado ay nakatanggap umano ng mga commemorative t-shirt, na kung saan ay binili umano nang walang tamang bidding.
“There was no advertisement or posting of any bid invitation for the procurement of the ‘Araw ng Pasig’ t-shirts. This blatant disregard for the legal requirement of the procurement process suggests either gross negligence or intentional circumvention of established rules,” sinabi ni Prudencio sa reklamo.
Binanggit din sa reklamo na hiniling sa mga empleyado na pumirma sa mga acknowledgment receipt, na nagpapalabas na parang natanggap nila ang cash allowance.
Ang reklamong ito ay kasunod ng isa pang kaso na isinampa laban kay Sotto dahil sa umano’y pagbibigay ng 100-percent tax discount sa isang telecommunications company.
Photo credit: Facebook/PasigPIO