Nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Justice (DOJ) na gumawa ng agarang hakbang upang matiyak na mananagot ang mga tumulong sa pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo palabas ng bansa.
Sa budget briefing sa panukalang P40.585-billion budget ng DOJ, kinuwestiyon niya ang mga opisyal ng ahensya tungkol sa kanilang mga aksyon hinggil sa napaulat na pagtakas ni Guo at ng kanyang dalawang kapatid. Binigyang-diin ng mambabatas na ang pamilya Guo ay nanuhol umano sa kanilang paglabas ng bansa na hindi natukoy ng Bureau of Immigration (BI) at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas.
“Ang ulat ay PHP 200 million ang binayad o ginastos ng Guo family para lang patakasin sila Alice,” aniya.
Bilang tugon, tiniyak ni Justice Undersecretary Nicholas Ty sa senador na nakikipag-ugnayan ang departamento sa mga kaukulang ahensya, kabilang ang National Bureau of Investigation at BI, para simulan ang masusing imbestigasyon sa usapin.
Photo credit: Facebook/senateph