Ipinagtanggol ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga viral selfie na kuha ng mga ahente ng gobyerno kasama ang tinanggal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, at inilarawan ito bilang bahagi ng “selfie culture” na uso sa bansa.
Ang mga larawan, kung saan kasama si Guo na nakangiti kasama ang mga ahente ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration, ay naging trending topic, kung saan ilang mambabatas ang pumupuna sa anila ay hindi tamang kilos ng mga kawani ng gobyerno.
Sa isang panayam, binalewala ng Pangulo ang kontrobersiya, at sinabing, “I think that is… part of the new culture now, na magpakuha ng kahit ano. Tapos ipo-post nila, tingnan mo, o nakasama ako dito sa team na ganyan-ganyan. Ang tawag natin sa Pilipinas, we are the selfie capital of the world. Eh, di nag-selfie. Hindi mo naman mapigilan ang tao na ngumiti.”
Binigyang-diin niya na ang aksyon ay hindi naman nakakasama, at sinabing, “They just had a selfie. I don’t think there’s much more to it than that.”
Ang mga viral photo ay kuha habang si Guo, na nahaharap sa maraming kasong kriminal kabilang ang human trafficking at money laundering, ay ini-escort mula sa Indonesia pabalik sa Pilipinas. Makikita sa isa sa mga larawan na nag-peace sign pa siya habang nakaupo sa pagitan ni Interior Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police Chief Rommel Marbil.
Ilang mga senador naman ang kumondena sa nasabing mga larawan.
“We want answers, not a photoshoot. Matapos niyang makipagtaguan sa batas, ginawa namang fan meet itong si Alice Guo ang pagkaka-aresto niya. Kulang na lang, red carpet,” ani Senador Risa Hontiveros, na namumuno sa imbestigasyon ng Senado sa pagkakasangkot ni Guo sa mga ilegal na aktibidad.
Dagdag pa niya, “Tingnan natin kung gaano siya ka-photogenic sa hearing sa Lunes. Unli-pictures siya doon.” Nagbabala rin ang mambabatas laban sa pagtrato sa pag-aresto sa isang fugitive bilang isang social event, at nagpapaalala sa mga opisyal ng gobyerno na seryoso ang mga umano’y krimen ni Guo.
“Pinaglaruan ni Alice Guo ang mga batas ng Pilipinas at ginamit niya ang posisyon niya para makapag-operate ang mga POGO na naging sangkot sa kidnapping, murder, human trafficking, at prostitution,” pagdidiin niya.
Sang-ayon naman si Sen. Joel Villanueva sa pahayag ni Hontiveros, at tinawag na “unprofessional” ang mga aksyon ng mga ahente. Pinuna rin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga selfie, at idiniin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng tamang ugali kapag hinuhuli ang isang pugante. “Dapat magpakita ng professionalism and proper decorum ang lahat ng alagad ng batas lalo na sa pag-aresto ng mga pugante,” aniya..
Nilinaw naman ni Abalos, na kasama rin sa isang viral photo, na ito ay kinuha para sa lamang sa documentation purposes. Idinagdag niya na ang meeting nila ni Guo ay “strictly official,” na naglalayong talakayin ang mga legal na usapin, at binigyang-diin na ang Department of the Interior and Local Government ay may pananagutan sa pagsasampa ng mga kaso laban sa nasibak na mayor.
Photo credit: National Bureau of Investigation