Muling iginiit ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino nitong Martes na walang hurisdiksyon ang Regional Trial Court (RTC) ng Capas, Tarlac sa mga kasong graft laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, at binigyang-diin na tanging ang arrest warrant ng Senado ang nananatiling valid.
Sa isang manifestation sa plenary session ng Senado, binanggit ni Tolentino ang transmittal sheet mula sa Office of the Ombudsman sa Executive Clerk of Court ng Third Judicial Region sa Capas, Tarlac. Ang dokumento, na may petsang Agosto 29, 2024, at nilagdaan ni Assistant Ombudsman Rex Reynaldo Sandoval, ay nanawagan para sa agarang referral ng kaso ni Guo sa ibang jufdicial region, alinsunod sa Office of the Court Administrator’s (OCA) Circular No. 10-2024 at Republic Act 10660, na nagpapatibay sa functional at structural organization ng Sandiganbayan.
“Ibig sabihin po, Mr. President, wala pong jurisdiction. Sang-ayon po dito, wala pong jurisdiction yung Capas, Tarlac, at binibigyan po ng poder ang Executive Judge na pumili ng pinakamalapit na judicial region,” sinabi ni Tolentino sa kanyang talumpati, na binibigyang-diin ang pangangailangan para sa kaso na litisin sa labas ng rehiyon ng opisina ni Guo, ayon sa ipinag-uutos ng batas.
Ikinatwiran ni Tolentino na nilabag ng RTC Branch 109 sa Capas ang Section 2 ng RA 10660, na nagsasaad na ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga pampublikong opisyal ay dapat litisin sa isang judicial region maliban sa kung saan ang opisyal ay nanunungkulan. Dahil si Guo ay alkalde ng Bamban, na nasa loob ng parehong judicial region, ang Capas RTC ay walang awtoridad na mag-isyu ng warrant of arrest.
“I am stressing this, Mr. President, to highlight again that as of today, the Senate’s warrant of arrest should be considered as the only valid warrant of arrest in existence today,” dagdag pa ni Tolentino, na idiniin ang hurisdiksyon ng Senado sa usapin.
Nagbigay din si Tolentino ng liham kay Senator Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, at pormal na ibinahagi sa kanya ang transmittal sheet. Sa kanyang liham, ipinunto niya ang mga jurisdiction issue lumutang dahil sa mga aksyon ng Capas RTC.
“Despite the foregoing, the RTC Branch 109 of Capas, Tarlac assumed jurisdiction over the same [Guo’s case] and issued an arrest warrant against former Mayor Alice Guo, which has raised questions regarding the jurisdiction and validity of the case filed against her,” aniya.
Photo credit: Facebook/senateph