Inutusan ng Supreme Court (SC) si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na bayaran na ang Hongkong and Shanghai Banking Corp. Ltd. (HSBC) ng humigit kumulang $700,000 (o P39 million base sa kasalukuyang palitan), kaugnay sa inutang nito sa bangko noon pang 1996.
Ito ay matapos ibasura ng SC ang petisyon ni Garcia na ma-dismiss ang alias writ of execution na inihain laban sa kanya. Ang alias writ of execution ay isang kasunod na utos upang makatulong na ipatupad ang isang desisyon kapag ang unang pagtatangka ay hindi matagumpay.
Ang desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio Kho Jr. ay isinapubliko lamang noong nakaraang linggo subalit promulgated na noon pang December 4, 2023.
Saad ng desisyon, inutusan ng High Court ang Makati Regional Trial Court (RTC) na ipatupad ang resolution nito noong 2012 na nag-re-require kay Garcia na magbayad sa HSBC ng $700,000 bilang danyos at P404,560.50 na legal costs.
Sinita rin ng SC si Garcia dahil sa kanyang umano’y “dilatory” petitions, na naging dahilan para mapaso ang five-year effectivity period ng alias writ of execution na inilabas noong 2018.
Samantala, ayon sa legal counsel ni Garcia na si Atty. Alex Avisado, Jr., wala pa rin silang nakukuhang kopya ng decision. Hinikayat din niya ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga “incomplete and misleading reports.”
“Unless and until the Supreme Court decides with finality that this case could still be revived, any attempt to enforce a decision that has been dead for 10 years would be premature,” saad ni Avisado.
Ang kaso laban kay Garcia ay nagmula sa pag-utang nito sa HSBC ng halagang $900,000 noong 1996 na ginamit nito para bumili ng cargo barge para sa kanyang kumpanya na kanyang pinamamahalaan bago siya sumabak sa politika noong 2004.
Ayon sa SC, hindi \nabayaran ni Garcia ang utang sa HSBC, kaya’t nagsampa ng kaso ang bangko sa Branch 57 ng Makati RTC, na nag utos sa kanya at sa kanyang dating asawa na magbayad ng $890,347.92. Nakarating sa Court of Appeals ang kaso na sinang-ayunan din ang Makati RTC ngunit binawasan ang halaga sa $700,000.
Lumobo na sa $720,000 kasama ang $103,522.91 na interes ang utang ni Garcia sa HSBC noong March 31, 2020 o 30 taon matapos itong umutang sa bangko. Subalit ayon kay Avisado, kinuwestyon nila ang desisyon sa kadahilanang nagbigay na ng collateral si Garcia na mas mataas ang halaga kaysa sa utang.
Photo credit: Facebook/cebugovph