Maituturing na “act of war” kung sakaling alisin ng China ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa isang panayam sa isang US news show.
Sa isang interview ni Teodoro sa “60 Minutes” ng CBS, sinabi niyang ang nasabing outpost ay hindi lamang isang “rusty old vessel” bagkus isang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. AnIya, sakaling alisin ito ng China ay mapipilitang mag-react ang ating bansa.
Sabi pa ng Defense secretary, umaasa siyang magbibigay ng tulong ang United States sa Pilipinas upang labanan ang pang-aabusong ito ng China.
Nasa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre noon pang 1999 bilang simbolo ng Philippine sovereignty sa nasabing offshore territory.
Samantala, sinabi ni Armed Forces of the Philippines chief General Romeo Brawner Jr. sa parehong episode na ito ang unang pagkakataon na naka-encounter ang mga awtoridad ng Pilipinas ng mga Chinese Coast Guard members na may dalang blades at spears. Sa encounter ding ito noong Hunyo nawalan ng hinlalaki ang isang tauhan ng Philippine Navy.
Dagdag pa ni Brawner, maaaring pagsimulan ng giyera sakaling magkabarilan ang China at Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ayon naman kay Philippine Navy spokesperson para sa West Philippine Sea na si Commodore Roy Trinidad, may karapatan ang Pilipinas na panatilihin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, sa kabila ng hiling ng China na alisin ito.
Umalma din ang China tungkol sa Mid-Range Capability Missile System na matatanggap ng Pilipinas mula sa US, sa kadahilanang nag-uudyok raw ito ng geopolitical confrontation.
“It is not their business. It is for the Philippine defense. What happens in our territory is for our defense. We follow international law,” ani Teodoro.
Idinagdag niya na hindi niya makumpirma o ma-deny kung ang Pilipinas ay nagbabalak na kumuha ng missiles na kayang umabot sa China.
Photo credit: Facebook/navalforceswest