Isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ang maaaring may kinalaman kung paano nakapuslit palabas ng Pilipinas si dismissed Bamban Mayor Alice Guo noong Hulyo. Iyan ang naging pahayag kamakailan ng isang opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corp. sa Senado.
Saad ni Raul Villanueva, head ng Security Monitoring Cluster ng Pagcor na isa ring retiradong opisyal ng military, may mga nakalap silang mga ulat mula sa intelligence community na nagsasabing may mga dawit na personalidad mula sa PNP, kasama na ang isang dating PNP chief at mga opisyal ng Bureau of Immigration.
Inihayag ito ni Villanueva kay Senador Risa Hontiveros sa patuloy na pagdinig ng Senado tungkol sa ilegal na Philippine offshore gaming operators o POGO.
“May pinag-uusapan sa border immigration, hindi ko lang alam ang exact amount [ng suhol], kasama ang PNP official [na nasangkot]. Hindi ko lang ma-confirm,” sabi Villanueva. Saad pa niya, ang hindi pinangalanang dating hepe ng PNP ay nasa buwanang payroll ni Guo “mula pa noon.”
“Yun lang po ang naririnig namin sa loob ng intelligence community,” ani ni Villanueva na niliwanag din na kailangan pa rin nilang iberipika ang mga nakuhang ulat.
Samantala, ang kinatawan ng PNP sa pagdinig ay nagsabi na wala silang narinig na ganitong intel report.
“Yung aming intelligence community ay tuloy-tuloy po ang pag-coordinate sa ibang agencies,” sabi ni Police Brig. Gen. Raul Tacaca, at idinagdag na magkakaroon ng mga reklamo kung ang PNP ay makakita ng ebidensya ng suhol kaugnay sa pagtakas ni Guo.
Sa panig naman ng Immigration, nagpahayag din si Fortunato Manahan, Jr., hepe ng Intelligence Division ng ahensya na patuloy rin ang kanilang imbestigasyon upang matukoy kung tumulong ang kanilang mga empleyado sa pag-alis ni Guo.
“Rest assured after ma-finalize any investigation or conclusion we will submit to Committee. Di po namin madi-discredit na part of the investigation is also investigating our own personnel and our own ports of entries and exits. As I mentioned last hearing there’s a possibility it’s yung escape ay nangyari sa aircraft or sea vessels but at this time nakatuon kami sa sea path ng pag-escape ng Guo siblings,” sabi ni Manahan.
Nagsabi na kamakailan ang National Bureau of Investigation (NBI) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na iniimbestigahan nila lahat ng anggulo ukol sa pagpuslit ni Guo na nauna na ring umamin na nakatakas siya mula sa Pilipinas noong unang bahagi ng Hulyo sa kabila ng mga “banta” mula sa mga taong ayaw niyang pangalanan. Siya ay naaresto sa Indonesia noong nakaraang buwan.
Photo credit: Facebook/pnagovph