Haharap sa mabigat na kaso ng plunder at graft si Mandaue Lone District Rep. Emmarie “Lolypop” Ouano at ang kanyang asawa, Opao Barangay Captain Nixon “Jojo” Dizon, matapos silang kasuhan noong Martes sa Office of the Ombudsman sa Central Visayas. Ang reklamo ay isinampa ni Edward Ligas, isang international boxing judge at radio commentator.
Ayon kay Ligas, ilegal umanong nakuha ng mag-asawa ang Lot 1-K-3-F-2, isang 2,500-square-meter reclaimed na lote sa Barangay Centro, Mandaue City. Aniya, ginamit ng mag-asawa ang kanilang posisyon sa gobyerno, kamang-anak at mga pekeng dokumento para makuha ang nasabing property na dapat sana ay sa gobyerno.Â
Sinabi ni Ligas na ang lote, na may halagang P70 milyon base sa 2022 Bureau of Internal Revenue Zonal Valuation, ay dapat napunta sa lungsod ng Mandaue bilang asset nito.
Detalyado sa affidavit ni Ligas ang proseso kung paano na-transfer ang titulo ng lupa sa mag-asawa noong 2005. Giit pa niya, binili ng mag-asawa ang property noong 1992 bago pa ito pormal na ideklarang bahagi ng reclamation ng lungsod noong 1993.
Idinawit din ni Ligas ang lolo ni Rep. Ouano, si dating Mandaue City Mayor Alfredo “Pedong” Ouano, na di umano’y may papel sa reclamation contract noong 1989. Ang mga dokumento ukol sa lote ay tila pineke, partikular ang isang “Confirmation of Exact Area of Lots Sold” noong 1996, na sinasabing questionable dahil may reference ito sa survey noong 2002.
Bukod sa plunder at graft, kinasuhan din si Rep. Ouano ng hindi pagdeklara ng nasabing property sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth mula 1997 hanggang 2005, na isang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Binenta pa umano ng mag-asawa ang lote noong 2012 sa halagang P20 milyon, na ayon kay Ligas, ay isang ilegal na transaksyon dahil ang property na ito ay dapat napunta sa lungsod. Dagdag pa, kinuwestyon din ni Ligas ang orihinal na presyong P2 milyon ng lupa, na napakababa kumpara sa market value noon.
Si Ligas, kilalang kritiko ng korapsyon sa Mandaue, ay patuloy na nananawagan ng accountability sa mga opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng kanyang programa sa radyo.
Kung mapapatunayang guilty, maaring humarap ang mag-asawa sa mabibigat na parusa tulad ng pagkakakulong at pagtanggal sa puwesto.
Photo credit: Facebook/LolypopSaMasa