Nais ng Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga rebelasyon ni She Zhijiang, isang Chinese tycoon na kasalukuyang nakakulong ngayon sa Thailand na nagsasabing isang Chinese spy dito sa Pilipinas si dismissed Bamban, Mayor Alice Guo.
Ito ang pahayag ni Justice Undersecretary Raul Vazquez sa isang interview sa dzBB. Ayon sa kanya, ang alegasyon na ito ay matter of national security na kailangang bigyang pansin.
Ang mga rebelasyon ni She ay lumabas noong Biyernes, Setyembre 27, habang dinidinig ng House quad committee ang umano ay involvement ni Guo sa illegal na Philippine offshore gaming operators.
Sa naturang inquiry, ibinunyag ni She sa pamamagitan ng isang interview sa isang documentary ng Al Jazeera na may hawak siyang mga ebidensya tungkol sa mga Chinese spy na kasama si Guo, gamit ang pangalang “Guo Hua Ping.”
Ire-refer ng DOJ ang imbestigasyon sa NBI at makikipag-ugnayan din sa national security agencies para makakalap pa ng karagdagang detalye. Ayon kay Vasquez, maaaring gamitin ng Pilipinas ang membership nito sa International Criminal Police Organization para makuha ang testimonya ni She.
Dagdag pa rito, maaari ring makipag-ugnayan sa embahada para ma-interrogate si She o ipadala ang isang investigator para kuwestyunin siya. Sa ngayon, ang pagtutok ng mga national security agency sa kanilang foreign counterparts ay mahalaga upang mapalalim ang imbestigasyon.
Ayon sa DOJ, hindi maliit na isyu ang paratang laban kay Guo lalo na’t posibleng banta ito sa seguridad ng bansa. Si She, na wanted din sa China at sanctioned sa United Kingdom, ay kilala sa pagkakasangkot sa mga scam sites na may kaugnayan sa human trafficking at forced labor.
Matindi ang pagtanggi ni Guo sa mga akusasyon, at sinabi niyang “I love the Philippines. I am not a spy.” Dismayado siya sa mga paratang ni She at balak magsampa ng kaso laban dito.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH