Sa kabila ng pasasalamat ni Senador Imee Marcos sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagsama sa kanya sa administration slate para sa 2025 elections, pinili ng senadora na “tumayo mag-isa” upang hindi na mailagay sa alanganin ang kanyang kapatid.
Sa isang pahayag, nagpasalamat ang mambabatas sa Pangulo at sa mga kaalyado niya, kabilang ang Nacionalista Party, pero nilinaw na mananatili siyang malaya at tapat—hindi sa isang grupo, kundi sa bawat Pilipino.
“Many thanks also to NP [Nacionalista Party] and to all my allies who continue to support me, may your trust remain with me,” saad niya.
Ginunita rin ni Sen. Marcos ang ika-35 anibersaryo ng pagkamatay ng kanilang ama, si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ayon sa kanya, “pinili kong tumindig mag-isa, gaya ng itinuro ni Apo Lakay.” Hindi direktang sinabi ng senadora kung pormal na siyang magwi-withdraw sa slate ng administrasyon.
Sinuportahan naman ang senador ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas, ayon kay Rep. Toby Tiangco, na nagsabing naniniwala sila sa kakayahan ni Sen. Marcos na maglingkod sa bayan.
“Patuloy na susuporta ang Alyansa kay Sen. Imee para sa tagumpay ng legislative agenda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. para sa kaunlarang walang maiiwan at para sa magandang kinabukasan nating lahat,” saad ni Tiangco.
Kabilang sa 12 senatorial candidates na inanunsyo ni Pangulong Marcos noong Setyembre 26 ay sina:
- Sen. Imee Marcos (reelectionist)
- Interior Sec. Benhur Abalos Jr.
- Makati Mayor Abby Binay
- Sen. Pia Cayetano (reelectionist)
- Sen. Lito Lapid (reelectionist)
- ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo
- Sen. Francis Tolentino (reelectionist)
- Former Sen. Manny Pacquiao
- Former Senate President Tito Sotto
- Sen. Bong Revilla (reelectionist)
- Former Sen. Ping Lacson
- Las Piñas Rep. Camille Villar
Photo credit: Facebook/senateph