Pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon na nagpapahintulot sa limang komite nito na magsagawa ng magkasanib na pagsisiyasat sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan laban sa smuggling, manipulasyon ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagtugon sa gutom, at pagtataguyod ng seguridad sa pagkain at nutrisyon.
Pinagtibay noong Setyembre 25, ang House Resolution 254 ay nagbibigay-pahintulot sa House Committees on Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at Special Committee on Food Security na magsagawa ng isang joint inquiry.
Ang pagsisiyasat na ito ay tututok sa mga House Resolution, privilege speeches, at motu proprio investigations kaugnay sa mga hakbang ng gobyerno laban sa smuggling at pagmamanipula ng presyo ng mahahalagang bilihin—mga isyung may direktang epekto sa seguridad ng pagkain at lumalalang problema ng kagutuman sa bansa.
“Sa mga nakaraang pagsisiyasat, naging malinaw na hindi sapat ang isang komite lamang upang tugunan ang malawak na isyu ng zero hunger at food security nang hindi nagsasapawan sa mga hurisdiksyon ng iba pang komite,” saad ng resolusyon, na nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas pinatibay na kolaborasyon.
Ang pagsisiyasat na ito ay alinsunod sa whole-of-government approach na itinakda sa Philippine Development Plan 2023-2028 at Executive Order No. 66, Series of 2024, na muling nag-organisa sa Inter-agency Task Force on Zero Hunger upang mapahusay ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan.
Layunin ng mga komite na makabuo ng komprehensibong ulat na may mga rekomendasyon para sa potensyal na lehislasyon laban sa smuggling, pagpigil sa manipulasyon ng presyo, at pagtataguyod ng seguridad sa pagkain at nutrisyon, dagdag pa ng resolusyon.
Binibigyang-diin din sa resolusyon ang Seksyon 11, Artikulo XIII ng Konstitusyon na nag-uutos sa Estado na gawing abot-kaya ang mga pangunahing bilihin, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan para sa lahat. Dagdag pa rito, binanggit ang commitment ng Pilipinas sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights, partikular ang Paragraph 2, Article 11, na kumikilala sa karapatang makalaya sa kagutuman at humihimok sa mga estado na pahusayin ang produksyon at distribusyon ng pagkain.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH