Tinanggihan ng Supreme Court (SC) ang hiling ni dating presidential spokesperson Harry Roque na protektahan siya mula sa contempt order at arrest warrant na inilabas ng House of Representatives kaugnay ng kanyang umano’y koneksyon sa iligal na Philippine offshore gaming operators (POGO).
Ayon kay SC spokesperson Camille Ting, hindi sakop ng writ of amparo ang kaso ni Roque dahil ito ay para lamang sa extrajudicial killings at enforced disappearances.
Kahit hindi pinagbigyan ang writ of amparo, inutusan ng Korte Suprema ang House quad committee na magkomento sa loob ng 10 araw sa petisyon ni Roque para ipatigil ang kanyang pag-aresto at pagpilit na dumalo sa mga susunod pang pagdinig. Kasama sa hinihingi ni Roque ang pagbabasura ng subpoena sa kanyang mga dokumento tulad ng tax records at statement of assets, liabilities, and net worth.
Inilabas ang arrest warrant laban kay Roque matapos siyang ma-cite for contempt noong Agosto dahil sa hindi pagsunod sa utos na isumite ang mga hinihinging dokumento ng House quad comm kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa mga POGO. Ayon sa quad com, malakas ang ebidensya na nag-uugnay kay Roque sa Lucky South 99, isang Pogo hub sa Porac, Pampanga na ni-raid dahil sa human trafficking.
Photo credit: House of Representatives official website