Nagbuo ng alyansa sina Cebu City Mayor Michael Rama, na kasalukuyang naka-preventive suspension, at Kasambagan Barangay Captain and Association of Barangay Councils President Franklyn Ong para sa nalalapit na 2025 elections. Nilagdaan ang alyansa ng kanilang mga partido, ang Partido Barug ni Rama at BagOng Sugbo ni Ong, upang palakasin ang kanilang kampanya.
Si Rama ay muling tatakbo bilang mayor kasama si Acting Vice Mayor Donaldo Hontiveros, habang si Ong at si Congressman Edu Rama Jr. ay sasabak naman sa halalan para sa north at south district ng Cebu City.
Nagpaliwanag si Ong na iniwan niya ang Bando Osmeña-Pundok Kauswagan (BOPK) matapos makita ang tunay na serbisyo ni Rama, lalo na noong kasagsagan ng bagyong Odette at pandemya. Gayunpaman, tila nairita si dating Mayor Tomas Osmeña sa desisyon ni Ong at hinamon ito na tumakbo laban sa kanya.
Samantala, umaarangkada rin ang alyansa ng Kusug at Panaghiusa, pinangunahan ni Acting Mayor Raymond Garcia at dating Metropolitan Cebu Water District board chairman Jose Daluz III. Posibleng magtandem ang dalawa sa susunod na halalan, na inendorso rin ng Partido Federal ng Pilipinas.
Magiging mahigpit ang laban sa 2025 elections, dahil marami nang mga kilalang pangalan at bagong alyansa ang lumalabas, kabilang ang mga slate nina Rama-Hontiveros at Garcia-Daluz.
Photo credit: Facebook/SerbisyongFranklynOng