Nagkibit-balikat lamang si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa mga representante ng International Criminal Court (ICC) na nagtangkang makipag-usap sa kanya. Sa kanyang paghahain ng certificates of candidacy (COC) kahapon noong Oktubre 3, inamin ng mambabatas na may mga kumontak sa kanyang opisina ngunit binalewala nila ito dahil naniniwala siyang wala itong hurisdiksyon sa bansa.
Ayon kay dela Rosa, may mga nagtangkang makipag-usap sa kanya, kabilang ang mga may European names, matapos ibunyag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may mga kinatawan ng ICC sa Pilipinas.
“Wala. Mayroong nag-contact sa opisina ko pero ini-ignore namin dahil alam namin na wala silang jurisdiction sa atin. May nagco-contact sa opisina ko pero iniginore namin. Hindi namin kina-usap, hindi namin pinatulan dahil mamaya mga gagu-gago na mga tao lang ‘yan na sumasakay sa issue,” ayon sa senador.
Isa siya sa limang tao na iniimbestigahan ng ICC ukol sa umano’y mga extrajudicial killing (EJK) noong panahon ng war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Kahit tapos na ang termino ni Duterte, nananatili si dela Rosa sa top 12 ng senatorial surveys, kahit na may mga alegasyon ng demolition job laban sa kanya at sa mga kaalyado ni Duterte.
Photo credit: Facebook/senateph