Nagbigay na ng direktiba ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilikas ang mga Pilipino sa Lebanon dahil sa tumataas na tensyon sa pagitan ng Israeli Defense Force at Hezbollah. Ayon sa kanya, gagawin ang repatriation “sa anumang paraan,” maging ito man ay sa himpapawid o sa dagat, upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Sa isang “urgent” virtual meeting na isinagawa sa gitna ng Asean Summit, tinutukan ng Pangulo ang sitwasyon sa Gitnang Silangan at ipinag-utos na bantayan ang mga pangyayari at ihanda ang lahat ng kakailanganing assets.
“Just make all the preparations so that malapit na lahat ng asset natin. Kung may barko tayong kukunin, nandiyan na malapit na sa Beirut na sandali lang basta’t the Embassy gives us the clearance and they say that our people can go, mailabas na kaagad natin so that hindi sila naghihintay ng matagal in danger areas,” saad niya.
Ipinag-utos ni Marcos ang paglikas bilang tugon sa higit 30 air raid ng Israel sa timog ng Lebanon kamakailan.
Ayon sa datos ng Philippine Embassy, 511 na ang na-repatriate mula Lebanon, habang 171 pa ang handang ilikas anumang oras. Tiniyak naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na handa ang pamahalaan na ilikas ang iba pang kababayan, hinihintay na lang ang diplomatic clearances.
Makakatanggap ng P150,000 na tulong pinansyal ang mga Pilipinong na-repatriate mula Lebanon bilang suporta sa kanilang pag-uwi.
Photo credit: Facebook/dmw.gov.ph