Hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) na pabilisin ang negosasyon ng Asean-China Code of Conduct (COC) sa gitna ng patuloy na agresyon ng China sa mga katubigan ng Pilipinas. Sa 27th Asean-China Summit sa Laos, iginiit niya na kailangan nang direktang talakayin ang mga mahalagang isyu gaya ng geographic scope, relasyon ng COC at DOC, pati na rin ang legal na aspeto ng kasunduan.
Bagamat may positibong pag-usad, sinabi ng pangulo na patuloy pa ring tensyonado ang sitwasyon sa South China Sea. Ibinahagi niya ang mga insidente ng harassment at intimidasyon mula sa China Coast Guard sa Escoda Shoal sa kalagitnaan ng isang routine maritime patrol. Dagdag pa ni Marcos, may tatlong insidente rin kung saan gumamit ng mga water cannon at laser laban sa mga Pilipinong maritime at civilian vessels ang China.
“We continue to be subjected to harassment and intimidation. Parties must be earnestly open to seriously managing the differences and to reduce tensions,” saad niya.
Dagdag ng pangulo, ipinapakita ng mga kilos ng China ang patuloy na pagwawalang-bahala sa international law, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea at Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea. Sa kabila nito, muli niyang tiniyak ang dedikasyon ng Pilipinas sa mas malalim at mas matatag na ugnayan ng Asean at China para sa kapayapaan at kooperasyon sa rehiyon.
“Such behavior is not unnoticed by our respective publics and the international community as well. That they will require a concerted and urgent effort to adopt measures to prevent their recurrence,” saad ni Marcos.
Photo credit: Facebook/coastguardph, Facebook/pcogovph