Nanawagan si human rights lawyer Neri Colmenares kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isumite sa International Criminal Court (ICC) ang testimonya nina dating Philippine National Police (PNP) Chief Royina Garma at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa na nagdadawit kina dating pangulong Rodrigo Duterte, dating PNP chief Ronaldo “Bato” dela Rosa at iba pa sa kaso ng extrajudicial killings (EJK) noong nakaraang administrasyon.
Ayon sa kanya, ang ICC ang nasa position para panagutin sina Duterte at dela Rosa, mga tinuturong utak ng “Oplan Tokhang” dahil sa malagim na kampanya laban sa droga na ikinasawi ng 30,000 katao, ayon sa human rights groups.
Sa pagdinig ng House of Representatives Quad Committee noong Oktubre 11, isinambulat ng self-confessed drug lord Kerwin Espinosa na pinilit umano siya ni dela Rosa na idawit si Senador Leila de Lima at negosyanteng si Peter Lim sa drug trade bilang bahagi ng kanyang “confession.”
Binanggit din niya ang umano’y papel ni Duterte sa pagpatay sa kanyang amang si Mayor Rolando Espinosa noong 2016. “Sinabi naman niya sa TV na papatayin niya lahat ng nasa narco list, kaya naiintindihan kong siya ang nag-utos na patayin ang tatay ko,” ani Espinosa.
Samantala, isiniwalat ni Garma na inutusan siya diumano ni Duterte noong 2016 na ipatupad ang “Davao Model” sa buong bansa — isang reward system kung saan binabayaran ang mga pulis batay sa bilang ng mga drug suspect na kanilang napapatay. Pinamunuan umano ni dating National Police commissioner Edilberto Leonardo ang pagpapatupad ng sistema at binibigyan ng updates si Sen. Bong Go, na noon ay executive assistant ni Duterte.
Photo credit: Facebook/pcogovph, House of Representatives website