Tumaas ang kilay ng mga mambabatas sa umano’y paggamit ni Vice President Sara Duterte ng confidential funds matapos lumabas ang ulat na nagbayad ang kanyang opisina ng renta para sa mga “safe house” na mas mahal pa sa mga overnight stay sa mga five-star hotel.
Ayon sa House Committee on Good Government, umabot sa P16 milyon ang ginastos ng Office of the Vice President (OVP) sa loob ng 11 araw mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022 para sa 34 na safe houses. Isa sa mga safe house na ito, ayon sa ulat, ay nagkakahalaga ng halos P91,000 kada araw—mas mahal pa sa Shangri-La Boracay na may nightly rate na P25,000 lang.
Bukod sa mahal, hindi rin umano malinaw ang mga dokumentong isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA). “Very bare” raw ang mga resibo at mayroong mga pirma na hindi mabasa o initials lang. Walang malinaw na lease contract na sumusuporta sa mga gastusin. Ayon sa reports, umabot na sa P53 milyon ang kabuuang gastos sa mga safe house ng OVP mula 2022 hanggang 2023.
“Anong klaseng safe house ang nagkakahalaga ng P45,000 kada araw?” tanong ni Antipolo Representative Romeo Acop, na tila hindi makapaniwala sa presyo.
Bukod sa OVP, pinaiimbestigahan din ang paggastos ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Duterte. Napansin ng mga kongresista ang P15.54 milyon na confidential funds para sa Youth Leaders Summit (YLS) na pinangasiwaan ng Philippine Army. Giit ng mga mambabatas, hindi naman ang DepEd ang nag-host ng event pero humingi pa ito ng certification mula sa Army para palusutin ang gastos.
Kinuwestyon din ni Bukidnon Rep. Keith Flores kung bakit humihingi ng sertipikasyon ang DepEd sa programang hindi naman sila ang nag-organisa.
Ayon kay dating DepEd spokesperson Michael Poa, ginamit daw ang impormasyon mula sa DepEd para maiwasan ang New People’s Army recruitment sa mga kabataan. Ngunit nang tanungin kung anong impormasyon ang ibinigay nila sa Army, sinagot ni Poa: “Honestly, I don’t know.”
Sa kabila ng mga tanong at red flags, hindi sumipot ang mga kinatawan ng OVP sa tatlong sunod na pagdinig mula Setyembre 18.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH