Nanawagan si Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na sumailalim si Vice President Sara Duterte sa isang “psychological assessment” matapos ang mga umano’y nakakaalarmang banta nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.
Sa isang press conference noong Oktubre 17, inamin ng bise na binalaan niya si Senador Imee Marcos na kapag nagpatuloy ang mga pag-atake mula sa administrasyon, huhukayin niya ang bangkay ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon ito sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Duterte, may pagkakataon daw na naisip niyang pugutan ng ulo si Marcos Jr.
Ayon kay Khonghun, labis siyang nababahala sa mga pahayag ng bise dahil walang matinong tao ang makakaisip, lalo’t magbibitiw, ng ganitong klaseng salita. Dagdag pa niya, nakakaalarma ang level ng irrationality ni Duterte at ang kanyang mga “marahas at karumal-dumal” na banta ay indikasyon ng isang “nakakabahalang kondisyon.”
“Kailangang sumailalim siya sa isang psychological assessment para matiyak kung kaya pa niyang gampanan ang kanyang tungkulin,” ayon sa mambabatas.
Binanggit din niya na lumalabas na may mas malalim na problema sa likod ng mga kontrobersyal na pahayag ng bise.
“Hindi lang ito simpleng isyu ng maling paggamit ng pondo ng bayan. May seryosong problema dito na dapat harapin,” dagdag pa ni Khonghun.
Samantala, sinabi ni La Union 1st District Rep. Paolo Ortega na ang mga pahayag ni Duterte ay may malalim na implikasyon at banta sa liderato ng bansa.
“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong klaseng marahas at nakakagulat na mga pahayag, lalo na mula sa isang opisyal na nakaupo bilang Pangalawang Pangulo,” aniya.
“Nararapat lang na maging mentally at emotionally stable ang mga lider natin, lalo sa mga panahong puno ng hamon,” dagdag pa ng kongresista.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH