Mariing itinanggi ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang akusasyong may reward system para sa mga pulis na nakapatay ng drug suspects sa ilalim ng kanyang kontrobersyal na war on drugs.
Ito’y matapos ibunyag ni Royina Garma, dating chief ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa House Quad Committee na may cash reward system daw para sa mga extrajudicial killings (EJKs) noong termino ni Duterte.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Garma na personal daw na mino-monitor ng dating pangulo at ni Senador Bong Go ang operasyon kontra droga at gumagamit ng “Davao Model” kung saan may pabuya ang mga pulis kada napatay na drug suspect, kasama ang funding at reimbursement sa mga operasyon.
Itinanggi ni Duterte ang mga paratang sa isang panayam sa SMNI.
“Walang pulis na papasok sa ganon. Makukulong sila. Bakit nila tatanggapin ‘yun kung ikasisira lang nila? Walang reward ‘yan. Hindi ako nagbibigay ng reward,” aniya.
Giit pa ng dating pangulo, hindi raw siya nagbigay ng utos na patayin ang mga sangkot sa ilegal na droga nang walang dahilan.
“Ito talaga ang order ko sa kanila. Hanapin mo at arestuhin ninyo kung saan ninyo. Bring them to me, pero pagka-lumaban at nakita ninyo na ang sarili niyong buhay ay mapalagay sa alanganin, patayin ninyo, kasi ayaw kong makita ang pulis ko ang mamatay kaysa sa kriminal,” aniya.
Handa rin umano si Duterte na humarap sa imbestigasyon ukol sa umano’y EJKs sa mababa at mataas na kapulungan.
Bagaman hinahabol pa rin ng mga imbestigasyon, nag-file siya ng kandidatura para tumakbo bilang alkalde ng Davao City sa 2025 midterm elections—ang political stronghold ng kanyang pamilya.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph