Pinabulaanan ng Malacañang at Department of Justice (DOJ) ang pahayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte na laganap pa rin ang krimen sa bansa. Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, mas ligtas ang Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
“With due respect to former President Rodrigo Duterte- there is no truth to his statement that crime remains rampant in the country,” aniya.
Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla may datos na kayang pasinungalingan ang mga pahayag ni Duterte.
“With utmost respect for former President Duterte’s leadership, we believe that his perception of an escalating crime rate does not reflect the reality supported by concrete data,” aniya.
Base sa datos ng Philippine National Police, bumaba ang bilang ng krimen sa ilalim ng Marcos administration mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2024 na umabot lamang sa 324,368. Ito ay 10.66% na pagbaba mula sa 363,075 na naitala noong panahon ni Duterte mula Disyembre 2020 hanggang Hunyo 2022.
Idinagdag pa ni Bersamin na nagtagumpay ang administrasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan nang hindi isinasakripisyo ang due process o ang karapatang pantao ng mga Pilipino.
Sa naging pahayag ni Duterte sa Senado, binanggit niya na laganap pa rin ang krimen sa bansa at ginawang example ang diumanong pagsalakay sa isang drug den sa loob ng Malacañang Complex sa San Miguel, Manila.
”It is unfortunate that drug-related crimes are on the rise again. Everyday, you can read about children being raped, people getting killed and robbed, and just recently a drug den was raided within the Malacañang Complex,” aniya.
Pero ayon kay Bersamin, luma na ang impormasyon na ito at ang suspek ay inaresto na habang hinahanap pa ang kanyang kasamahan.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph