Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga botante na suriing mabuti ang listahan ng mga nominee ng party-list groups na lalahok sa 2025 midterm elections at maghain ng petisyon laban sa mga nominee na may kaduda-dudang qualification.
Naglabas na ang Comelec ng listahan ng mga nominees sa pamamagitan ng pag-publish nito sa dalawang pahayagan kamakailan.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi basta-basta maaring ikansela ng Comelec ang mga nominasyon. Dapat ay may botanteng magreklamo. Dagdag pa niya, may limang araw ang publiko mula sa araw ng paglabas ng listahan para magsampa ng petisyon laban sa nominado na may “material misrepresentation” o hindi sumusunod sa mga qualifications.
Ayon sa Comelec Resolution 9366, ang mga party-list nominee ay dapat natural-born citizen ng Pilipinas, rehistradong botante, residente ng Pilipinas sa loob ng isang taon bago ang araw ng halalan, at hindi bababa sa 25 taong gulang.
Samantala, kaugnay ng mga panawagan na ipagpaliban ang kauna-unahang regular parliament election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sinabi ni Garcia na ang desisyon ay nasa Kongreso.
Sinabi niya na kahit may mga panawagan para ipagpaliban ito, tuloy pa rin ang paghahanda ng Comelec para sa pagsasagawa ng BARMM elections sa Mayo 12, 2025, kasabay ng midterm elections.
Ang pag-file ng Certificates of Candidacy para sa BARMM parliament election ay itinakda mula Nobyembre 4 hanggang 9. Extended ang termino ng Bangsamoro Transition Authority mula sa Hunyo 30, 2025 hanggang Hunyo 30, 2028 kung sakaling hindi matuloy ang nasabing eleksyon.
Photo credit: Facebook/comelec.ph