Sinabi ni Manila 3rd District Representative Joel Chua na kailangan munang sampahan ng impeachment complaint si Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan noong ito ay kalihim pa ng Department of Education (DepEd) bago ang anumang plunder o graft charges.
Ayon sa kanya, may dalawang basehan ang impeachment: graft and corruption at betrayal of public trust. Kapag na-impeach, saka pa lang maaaring isampa ang mga kasong kriminal.
Nakikitang grounds para sa impeachment complaint kay Duterte ang findings ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong October 17 na nagsasabi na gumastos ng P16 million confidential funds ang Office of the Vice President (OVP) na ginamit umano para sa 34 na safehouses sa loob ng 11 araw noong 2022.
Ayon kay Chua, walang sapat na dokumentasyon sa pagbabayad sa mga ito, at di matiyak kung totoong nagamit ito sa renta.
“Yung P16 million na rental for safe houses [noong last quarter of 2022], walang detalye. Hindi po natin alam kung totoo nga pong nagamit sa rentals,” aniya.
Samantala, kinuwestyon din ang P15 million para sa “youth leadership summits” na pinondohan umano ng DepEd. Ayon sa mga opisyal ng militar, walang natanggap na pondo ang Philippine Army mula sa ahensya, na kontra sa sinasabing certifications ng Commission on Audit.
“Pare-parehas po tayong nagtatanong kung saan napunta ‘yung P15 million. May certification, sine-certify pero inamin naman ng Army na hindi sa kanila napunta, walang dinownload. Ngayon ang tanong — saan napunta?” dagdag ni Chua.
Sa huli, nilinaw niya na ang layunin ng imbestigasyon ay “in aid of legislation.” Kapag napatunayan ang mga reklamo, dadalhin ito sa House Committee on Justice para maipasa sa plenaryo. Kailangan ng one-third vote para makuha ang referral sa Senado, kung saan kailangan ang two-thirds majority para ma-convict si Duterte.
Photo credit: Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH