Mariing itinanggi ni House quad committee (quadcom) co-chair at Santa Rosa City Representative Dan Fernandez ang paratang na pinilit nila ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante si Police Colonel Hector Grijaldo na suportahan ang testimonya ni retired police colonel Royina Garma tungkol sa diumano’y reward system sa extrajudicial killings (EJK) noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Fernandez, walang nangyaring pamimilit kay Grijaldo sa isang closed-door meeting noong Oktubre 22, taliwas sa pahayag ni Grijaldo. Nilinaw ng mambabatas na ang naturang pagpupulong ay naganap dahil sa kahilingan mismo ni Garma.
“Unang-una, talagang there was an incident na talagang pinatawag namin siya pero not on our own volition. Because it was Col. Garma as what I am saying sa mga interviews sa akin that asked na kausapin si Col. Grijaldo,” aniya.
Dagdag ni Fernandez ang nasabing meeting ay bahagi ng vetting process ng quadcom. Aniya, hindi lamang siya at si Grijaldo ang nasa pagpupulong kundi pati na rin si Abante at dalawa pang abogado ni Garma.
“Kasi vetting process pa lamang ‘yun. Alam mo sa Kongreso, kinakausap muna namin and then kapag nalaman namin na pwede nating i-validate ‘yung sinasabi niya, then the lawyers will come out,” paliwanag ng kongresista.
Dagdag pa niya, hindi raw inimbitahan si Grijaldo bilang resource person at nagulat siya nang makita ito bago pa ang testimonya ni Garma noong Oktubre 11.
“Nagugulat kami na nakikisawsaw siya sa isang bagay na hindi naman siya involved,” ani Fernandez.
Sa huli, ipinunto niya na tila sinusubukan ng ilan na siraan ang integridad ng imbestigasyon ng komite sa EJK. Nilinaw din ng mambabatas na handa silang harapin ang anumang legal na hamon upang maipagtanggol ang kanilang panig at integridad ng kanilang imbestigasyon.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH