Hindi natuwa ang ilang miyembro ng Kamara sa naging takbo ng Senate Blue Ribbon hearing kaugnay sa war on drugs ng dating pangulong Rodrigo Duterte, partikular na sa ginawang pagkunsinti umano kina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go na maka-impluwensya sa pagdinig.
Ayon kina Manila Rep. Bienvenido Abante at Laguna Rep. Dan Fernandez, tila nabawasan ang credibility ng imbestigasyon dahil sa presence ng dalawang loyalista ng dating pangulo.
Ayon kay Abante, “The way he sounded, he was more of a senator-suspect or senator-respondent. There was nothing wrong with that, but he should have seated himself with his former boss (Duterte), who wanted to be called a witness instead of a resource person. That would have been more appropriate than sitting with the investigating panel in order to defend his actions.”
Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa panahon ni Duterte, ay isa sa mga personalidad na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng drug war. Bukod dito, inakusahan si Go sa Kamara ng pagiging “utak” sa reward system sa mga drug-related killings gamit umano ang intelligence funds.
“The validity of what seemed to be (Dela Rosa’s) interminable explanations and defenses was also not subjected to questioning. No one questioned him, no one challenged his version of those facts nor his assertions,” ani Abante.
Ayon naman kay Fernandez, nauwi pa raw si dela Rosa sa “pag-iinteroga ng mga resource persons” sa pagdinig, sa kabila ng malinaw na conflict of interest. Tanong niya, isa si dela Rosa sa mga inaakusahan, pero bakit naging parte rin siya ng jury.
Puna pa nila, napalusutan ng Senado si Duterte sa mga bastos na salita at pagmumura niya sa harap ng Blue Ribbon committee. Ani Abante, dapat may point of order sa Senado at hindi pwedeng tanggapin ang mga ganung pahayag sa isang public hearing.
Pinuri naman ng dating senador na si Panfilo Lacson si Sen. Risa Hontiveros sa pagiging matatag sa kabila ng presensya ng dating pangulo sa hearing. Sinabi ni Lacson na si Hontiveros lamang ang nanindigan upang igalang ang Senado. Sumang-ayon naman si dating senador Antonio Trillanes IV at tinawag si Hontiveros na “matapang” at “mahusay.”
Sinang-ayunan din ni Senate President Francis Escudero ang hakbang ni Hontiveros na pagpapaalala kay Duterte at sa komite na dapat magpatuloy ang kaayusan at huwag payagan ang pagmumura sa pagdinig.
Pinuri rin ni Escudero si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel para sa patas na pamumuno ng pagdinig. Ayon kay Escudero, ginawa ni Pimentel ang lahat para mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng resource persons na magbahagi ng kanilang saloobin.
Ayon naman kay Pimentel, nag-uumpisa pa lang sila sa kanilang imbestigasyon at may mga susunod pang mga hearing na kailangang siputin ng mga ibang imbitadong resource persons para lubos na masuri ang mga ebidensya.
Photo credit: Facebook/senateph