Nanawagan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na suportahan ng Senado ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang jurisdiction ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Ito ang naging tugon niya matapos hingan ng kumento ukol sa pagbibigay ng transcript ng nakaraang Senate hearing kung saan nag-attend si dating pangulong Rodrigo Duterte at umamin sa ilang mga akusasyon laban sa kanya, kabilang ang pagkakaroon ng “Davao Death Squad o DDS.
Ayon sa mambabatas, ang pagbibigay ng transcript ng Senate hearing tungkol sa war on drugs sa ICC ay maituturing na pagsang-ayon sa kanilang kapangyarihan.
“Kung susundin natin ang kanilang request, para na rin nating kinikilala ang kanilang jurisdiction sa atin,” aniya. Dagdag pa ng senador, dapat magkaisa ang Senado sa kanilang posisyon pagdating sa foreign policy, at sundin ang linya ng Pangulo bilang chief architect ng foreign policy ng bansa.
Sa isang naunang panayam, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na handa ang Senado na magbigay ng certified true copy ng mga transcript kung may sapat na dahilan at layunin ang mga humihiling nito. “Hindi pwedeng basta-basta na lang ibigay sa kahit sino,” aniya.
Photo credit: Facebook/senateph