Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian na magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno para palakasin ang kampanya laban sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) at ang kanilang mga kaugnay na krimen.
Aniya, kinakailangang magkaisa ang Philippine National Police (PNP), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) upang makabuo ng mas epektibong plano laban sa mga ilegal na aktibidad ng mga POGO.
Ayon sa mambabatas, ang kakulangan sa pagkakaisa at koordinasyon ng mga ahensya ang magpapahina sa kanilang kampanya laban sa mga POGO. Dagdag pa niya, ang kahinaang ito ay siguradong sasamantalahin ng mga POGO para magpatuloy ang kanilang operasyon.
Ang panawagan ng senador ay kasunod ng isang “flawed” operation sa Century Peak Tower sa Ermita, Maynila noong Oktubre 29, na pinangunahan ng PNP Anti-Cybercrime Group. Sa kabila ng nasabing operation ay napakawalan din diumano ang mga dayuhang suspek.
Sinabi naman ng PAOCC na hindi sila nakonsulta sa nasabing operation.
“Huwag nating hayaang magpatuloy ang masasamang gawain ng mga POGO sa ating mga komunidad dahil lamang sa kakulangan ng koordinasyon, “ saad ni Gatchalian.
Sa kanyang huling State of the Nation Address, ipinagbawal ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng POGO sa bansa at inutusan ang Pagcor na tapusin ang kanilang operasyon bago matapos ang taon.
Ayon sa PAOCC, may 111 pang ilegal na POGO hubs sa bansa na patuloy pa rin ang operasyon.
Photo credit: Facebook/senateph