Binatikos ni dating Senadora Leila de Lima si dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa tila pag-amba ng suntok nito sa kanya sa kalagitnaan ng kamakailang House Quad Committee hearing.
Magkatabi si de Lima at Duterte sa hearing ukol sa umano’y extra-judicial killings (EJKs) noong panahon ng Duterte administration.
Sinabi ni de Lima na wala siyang malay sa gesture ni Duterte at nalaman lang niya ito matapos magpadala ng video ang ilang kaibigan.
“That was so unbecoming, that was offensive kasi wala na siyang any sense of decency, ang tawag diyan, indecency na wala naman ako ginagawa sa kanya tapos ganun ang reaction niya,” aniya. “Ang isa pang tawag diyan, kaduwagan, isa siyang duwag.”
Ang nasabing gesture ay naganap matapos ipahayag ni de Lima ang kanyang reaksiyon sa sinabing pag-ako ni Duterte ng “full responsibility” sa kanyang anti-drug campaign at ang pagtanggi nitong banggitin ang pangalan ni de Lima sa pagdinig.
Matatandaang si De Lima ay isa sa mga pinakamatinding kritiko ni Duterte at nakulong nang halos pitong taon dahil sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga sa National Bilibid Prison—mga paratang na kalauna’y binawi ng kanyang mga akusador, dahilan ng pagbasura sa mga kaso laban sa kanya.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH