Matapos ang pitong taong pagkakakulong na ayon sa kanya ay walang basehan, handa na si dating Senadora Leila de Lima na magsampa ng mga kaso laban sa mga personalidad na sangkot sa pagdawit sa kanya sa illegal drug trade—kabilang na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ng dating mambabatas na ang maling paratang ay nagdulot ng malaking epekto sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
Ani de Lima, napatunayang wala siyang sala matapos ang mga kaso ng drug trade laban sa kanya ay naibasura na sa korte. Nanawagan ang dating senador na magkaroon ng masusing “threshold of evidence” sa antas pa lamang ng Prosecutor’s Office upang maiwasan ang pagkakadawit ng mga inosenteng tao sa mga kaso.
Bukod pa rito, umaasa rin siya na aaksyunan ng Kongreso ang pagpasa ng Human Rights Defenders Bill na kanyang iniakda, para maprotektahan ang mga karapatan ng mga mamamayan laban sa hindi makatarungang pag-uusig.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH