Itinuturing ni Manila Third District Representative Joel Chua na mas malaki ang posibilidad na pineke ng Office of the Vice President (OVP) ang mga acknowledgment receipts (ARs) para sa confidential funds (CF) nito noong 2022, kumpara sa kontrobersya ukol kay “Mary Grace Piattos.”
Ayon kay Chua, chairperson ng House committee on good government and public accountability, ang pangalan ni Piattos ay isa lamang halimbawa ng mas malalim na isyu sa mga resibong isinumite ng OVP.
Aniya, si Piattos ang “tip of the iceberg” dahil isa lamang siya sa 158 na pumirma ng ARs mula sa ahensya.
Pinuna ng mambabatas ang 158 resibo na may mga maling petsa, kabilang ang mga nakapangalan sa mga buwan bago pa man matanggap ng OVP ang P125 milyong confidential funds nito noong Disyembre 2022. Aniya, may mga resibo pang may petsang Nobyembre 2022, kung kailan wala pang pondo ang ahensya.
“They say it is a clerical error only, a typographical error, but how do you explain 158 acknowledgement receipts that were issued in months that they did not have a CF? So our theory is that the ARs came out when the COA (Commission on Audit) released an audit observation memorandum. They rushed because of that, just to justify their liquidations. They crafted several acknowledgement receipts,” saad ni Chua.
Ayon din kay Taguig Second District Rep. Amparo Maria Zamora, ang mga simpleng requirements para sa resibo—pangalan, pirma, at tamang petsa—ay hindi nasunod. Aniya, maraming resibo na walang pangalan, walang pirma, o maling petsa.
Dahil dito, hinimok nina Chua at Zamora ang OVP na magpaliwanag sa mga pagdinig upang matugunan ang mga alegasyon. Dagdag pa ni Chua, kung hindi nila maipaliwanag nang maayos, maaaring peke ang mga resibo.
Bukod dito, pinuna rin ang Department of Education (DepEd) na pinamunuan noon ni Vice President Sara Duterte, dahil sa kakulangan ng mga naitayong silid-aralan at mga isyung may kinalaman sa youth training program na ginastusan umano gamit ang CF, pero ang Armed Forces of the Philippines at mga lokal na pamahalaan pala ang totoong nagpondo.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH