Isang malaking kontrobersya ang sumiklab sa House Committee on Good Government and Public Accountability matapos ibunyag ang umano’y mga iregularidad sa acknowledgment receipts (ARs) na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Sa nasabing pagdinig, tinukoy ni Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong ang paulit-ulit na paggamit ng pangalan na “Kokoy Villamin” sa mga resibo mula sa parehong ahensya. Aniya, parehong pangalan ang lumabas sa mga resibo ngunit may magkaibang pirma at sulat-kamay. Ang discrepancies na ito ay kinumpirma rin ni Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Auditor Gloria Camora.
“Is it just a coincidence that the same two offices, headed by the same person, submitted the same [ARs] and encountered two persons with the same name? How unlikely would that be? Two persons with the same name bearing the same spelling, same last name, and the same first name,” saad ni Adiong.
Dagdag pa niya, base sa mga isinumiteng dokumento at mga resibo, walang paraan para masiguro nila kung totoong mga tao o kung buhay ang mga tumanggap ng confidential funds.
Base sa dokumentong isinumite, ang OVP ay nag-liquidate ng P500 milyon, at ang DepEd ay nag-liquidate ng P112.5 milyon gamit lamang ang mga resibo bilang ebidensya.
Kinuwestyon din ni Adiong kung bakit hindi agad natukoy ng mga auditor ang mga anomalya, lalo na kung hiwalay ang mga auditor ng mga ahensya. Aniya, kung iisang auditor lang ang tumingin, malalaman sana nila ang pagkakaibang ito.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH