Nagbabala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa laban sa plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bawasan ang bilang ng mga heneral sa Philippine National Police (PNP). Aniya, maaaring makaapekto ito sa morale ng mga opisyal at magdulot ng demotivatiion sa hanay ng kapulisan.
Sa confirmation hearing ng bagong Interior and Local Government Secretary na si Jonvic Remulla, inamin ni dela Rosa na may obserbasyon noon na “bloated” o sobrang dami ng heneral sa PNP. Gayunpaman, sinabi niyang kailangang balansehin ang mga pagbabago sa organisasyon.
“Take into consideration din natin yung morale at welfare ng mga opisyal. Ambisyon nila matapos ng PNPA (Philippine National Police Academy) na maging heneral. Yan ang motivation nila,” aniya.
Ipinaliwanag ni Remulla na walang agad na matatanggal sa trabaho, kundi hihintayin ang natural na retirement ng mga heneral habang iniimplementa ang reporma. Plano ng DILG na bawasan ang bilang ng heneral mula 133 sa 25 lamang, na nakabase sa kung talagang kinakailangan ang isang posisyon ng isang star-rank officer.
Ayon kay Remulla, maraming heneral na may anim lang na tao ang under sa kanila, o minsan wala talagang direct command. Dagdag pa niya, ang mga police attaché sa ibang bansa, bagamat walang tauhan sa ilalim nila, ay kailangang may mataas na ranggo para makipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart.
Binanggit din ng kalihim ang bigat ng pensyon sa pambansang budget. Aniya, walang kaltas sa sweldo ng mga pulis para sa pension fund, at ang pensyon ng mga heneral ay awtomatikong tumataas base sa sweldo ng mga aktibong heneral 20 taon matapos silang magretiro.
Tiniyak ni Remulla na ang plano ay daraan sa masusing konsultasyon kasama ang University of the Philippines College of Public Administration, at ang mga rekomendasyon ay ihahain kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago isulong sa Kongreso.
“Again, it’s a consultative process. This country is not built on the whims and caprices of one person. It is a collective decision arrived at consensus and arrived with a rational thought behind it,” aniya.
Photo credit: Facebook/pnp.pio