Inaalam ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kung totoong banta o simpleng “figure of speech” lang ang kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte ukol sa umano’y plano niyang ipa-assassinate si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
“Kailangang ma-establish ang facts at malaman kung may mga batas na nalabag,” ani CIDG Chief Brigadier General Nicolas Torre III.
Kabilang din sa iniimbestigahan ng PNP ay ang paglilipat kay Zuleika Lopez, chief of staff ni Duterte, mula St. Luke’s patungong Veterans Memorial Medical Center matapos siyang makulong dahil sa contempt ng House of Representatives. Ipinagtanggol naman ng pangalawang pangulo si Lopez sa desisyon ng panel na ilipat siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong.
Sa isang viral video, matatandaang kinompronta ni Duterte ang isang pulis na pilit isinara ang pinto ng ambulansya habang nasa likod pa siya.
Samantala, pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat na balitang may mobilization ng mga tropa kaugnay ng isyu. Ayon sa dito, “misleading” ang nasabing impormasyon at wala itong basehan.
“Ang ganitong klase ng maling balita ay nagdudulot lamang ng panic at kalituhan,” diin ng AFP.
Pinaalalahanan naman ng National Security Council (NSC) na ang banta laban sa Pangulo ay laging itinuturing na isyu ng “national security.” Ayon dito, ang kaligtasan ni Marcos ay mahalaga para sa kontinuwidad ng gobyerno at katatagan ng bansa.
Sinabi pa ng NSC na dapat hintayin ang resulta ng imbestigasyon at hindi gumawa ng espekulasyon.
Photo credit: Facebook/cidg.pio, Facebook/OfficeOfTheVicePresidentPH