Pinulaan ng mga mambabatas sa House of Representatives ang panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-withdraw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang suporta nito sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ayon kay 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez, ang mga pahayag ni Duterte ay wala nang epekto at puro “hyperbole” na lamang.
“Buong tiwala ako sa AFP na mananatili silang tapat sa kanilang mandato na protektahan ang Konstitusyon,” aniya.
Tinawag naman ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ang mga pahayag ng dating pangulo bilang “diversionary tactic” para pagtakpan ang isyu ng confidential funds na kinakaharap ng kanyang anak, si Vice President Sara Duterte.
Giit niya, imbes na magsalita ng hindi nakakatulong, dapat sagutin ng pangalawang pangulo kung paano ginamit ang confidential funds. “Explain lang niya kung paano ginamit ang confidential fund. Yan na yan. Hindi na natin kailangan ng mga salita na hindi nakakatulong sa ating bayan.”
Samantala, sinabi naman ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe na ang tirada ni Duterte ay isang desperadong hakbang para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga kontrobersya ng pamilya Duterte. Aniya, ang ganitong taktika ay hindi makakabawas sa ating paghahanap ng hustisya.
Saad naman ni Deputy Majority Leader Paolo Francisco Ortega V, “lumang tugtugin’ na ang mga tirada ni Duterte at hindi na pinaniniwalaan ng publiko. “Parang tatlong beses na yata nilang statement yan o sinubukan na ginawa. Kaya nga sinasabi ko talagang lumang tugtugin na yan. Wala nang maniniwala, wala nang sasama dyan,” aniya.
Dagadag pa ni Ortega, maraming problema ang bansa ana dapat ayusin kaya huwag na dapat dumagdag pa ang mga Duterte.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph