Binanatan ng ilang mambabatas ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ginagamit umano ang impeachment efforts laban sa kanya para pagtakpan ang kakulangan ng administrasyon.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Zambales Representative Jefferson Khonghun, ang sinabi ni Duterte ay “panibagong diversionary tactic” para ilihis ang atensyon ng publiko mula sa iniimbestigahang P612.5-M confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na hawak ng pangalawang pangulo.
“Ang tunay na usapin dito ay nawawalang pera ng gobyerno. Dapat may managot,” giit niya.
Nilinaw naman ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na hindi pa usapin ang impeachment. “Focus kami sa mga hearings para sa mga reporma at legislative measures na makakapigil sa misuse ng pondo,” aniya.
Dagdag pa ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega, mahalagang ipagpatuloy ang mga pagdinig para sa katotohanan.
“Tinututukan namin ang trabaho sa Kongreso dahil utang namin ito sa taong bayan,” aniya.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH