Nanawagan si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon sa House of Representatives na huwag nang pagbigyan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Aniya, may mga procedural limits sa ilalim ng batas, kabilang ang patakaran na isa lamang impeachment complaint ang maaaring ihain kada taon.
Ayon kay Gadon, wala nang oras para sa hearing ngayong taon at mas makakabuting ipagpaliban na lang ang kaso sa susunod na taon. “Next year na lang para swak na swak,” aniya.
Ang reklamo, na inihain ng mga lider ng civil society groups at inendorso ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña, ay nakatuon sa umano’y graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang mataas na krimen.
Pinagtibay naman ni House Secretary General Reginald Velasco na responsibilidad ng Kamara, alinsunod sa Konstitusyon, na aksyunan ang mga impeachment complaint na maayos na naisumite. “Obligasyon ng Kamara ito. Sisiguraduhin naming patas at transparent ang proseso,” aniya.
Samantala, bukod sa impeachment complaint, sinampahan din ni Gadon si Duterte ng disbarment case dahil umano sa pahayag nito na nagkontrata siya ng assassin para kay Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
“Such statements coming from the second highest official of the land, seen and heard by millions of Filipinos are undoubtedly illegal, immoral and condemnable. As a lawyer herself, she should be disbarred,” aniya.
“While it may be alleged that the intent has not been consummated, nevertheless the statement revealed a fully constituted plan for murdering (the) three above individuals as she further affirmed that the assassination plot is not a joke,” dagdag rin ni Gadon.
Photo credit: Facebook/papaseclarrygadon