Pinapaberipika ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang civil registry records ng 1,992 indibidwal na konektado umano sa P500 milyon confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Committee Chair Representative Joel Chua, ang mga pangalan ay galing sa acknowledgment receipts (ARs) na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) bilang bahagi ng liquidation report para sa confidential funds mula late 2022 hanggang third quarter ng 2023.
Binigyang-diin niya ang halaga ng PSA verification upang matukoy kung ang mga pangalan ay totoong tao. Lumabas sa naunang ulat ng PSA na sa 667 pangalan mula sa Department of Education confidential funds noong 2023:
- 405 ang walang birth records
- 445 ang walang marriage certificates
- 508 ang walang death certificates
Idiniin ni Chua na kung mapatunayang peke ang mga pangalan, lalakas ang hinala na ginamit ang fabricated ARs upang pagtakpan ang maling paggamit ng pondo.
Isang halimbawa ay si “Mary Grace Piattos,” isang pangalan sa listahan ng mga resibo na kalaunan ay napag-alamang gawa-gawa lang. Pinagsama lamang ang pangalan ng isang sikat na restaurant at lokal na snack brand.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH