Ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang matinding pagkabahala kaugnay ng ulat na ang ilang opisyal mula sa Bureau of Immigration (BI) ay nagtulak umano para payagan ang nakatatandang kapatid ni dating presidential economic adviser Michael Yang, na si Tony Yang, na makapagpiyansa.
Ayon kay Hontiveros, napakarami ng ebidensiya na nagpapatunay ng pang-aabuso ni Yang sa mga patakaran ng bansa kung kaya nakakabahala na palalayain lamang ito.
Ang abogado ni Tony Yang na si Raymond Fortun ay nagsabing kasalukuyang nasa ospital si Yang dahil sa kondisyon sa baga, ngunit binigyang-diin ni Hontiveros na maaaring magpagamot ito nang hindi kinakailangang palayain.
“Tony Yang should stay in detention,” giit ng senadora. “Kung kailangan niya ng medical attention, pwede naman siyang ipagamot, pero dapat nasa kustodiya pa rin ng gobyerno.”
Binanggit din ni Hontiveros ang insidente kaugnay ng pag-alis ni Guo Hua Ping (Alice Guo), na diumano’y nakatakas nang walang kahirap-hirap mula sa bansa, bilang dahilan kung bakit hindi dapat pagkatiwalaan si Yang na sumunod sa mga legal na proseso.
Dagdag pa niya, parehong si Tony at Michael Yang ay diumano’y nagkunwari bilang mga Pilipino at nagpayaman gamit ang mga yaman ng bansa.
Sinabi rin ni Hontiveros na si Tony Yang ay may kasalukuyang arrest warrant mula sa China dahil sa mga alegasyon ng ilegal na pasugalan. Hinikayat niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na bilisan ang imbestigasyon kaugnay ng money laundering laban kay Yang, na iniulat na may mga kaso ng falsifying documents, perjury, at paglabag sa Anti-Alias Law.
Photo credit: Facebook/senateph