Pinuri ni House of Representatives Appropriations Committee Chairperson Elizaldy Co ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa ipinakitang mataas na antas ng pagiging epektibo at pagiging transparent sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon kay Co, umabot sa 99.31% utilization rate ang P26.7 bilyon na budget ng AKAP para sa 2024. Ito ay nagsisilbing modelo ng maayos at walang korapsyon na paggamit ng pondo, na nagbibigay ng pag-asa sa mga Pilipino at tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation at mga hamon sa ekonomiya.
Dagdag pa ni Co, ang AKAP ay isang malinaw na halimbawa kung paano dapat gamitin ang pondo ng gobyerno nang mahusay at tapat. Binanggit din niya na ang programa ay nagtakda ng bagong pamantayan sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipino, habang tinitiyak na transparent ang proseso at ang paggamit ng pondo.
“Ang pinakamalalakas bumatikos ay kadalasan yung walang ginagawa para tumulong sa tao. Ang AKAP ang sagot sa problema ng inflation at nagbibigay pag-asa sa mga Pilipino, lalo na sa mga malapit nang mahulog sa kahirapan,” dagdag pa ni Co.
Habang target ng AKAP na matulungan ang 5 milyong Pilipino sa 2025, iginiit ni Co ang kahalagahan ng transparency at pananagutan sa lahat ng mga programa ng pamahalaan.
Sa ginanap na pagpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Act, inanunsyo nitong ilalagay ang pondo ng AKAP sa ilalim ng conditional implementation upang matiyak na ito ay magagamit ng tama at ayon sa layunin ng programa.
Photo credit: Facebook/dswdserves