Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Elections (Comelec) sa mataas na bilang ng mga lumabag sa gun ban kasabay ng pagsisimula ng election period para sa halalan sa Mayo 12.
Sa isang press conference, iniulat ni Comelec Chairperson George Garcia na umabot na sa 80 ang mga lumabag simula nang magsimula ang election period at ang pagpapatupad ng gun ban noong Enero 12.
“It is unfortunate that many are still being stubborn despite our massive information drive as they continue to carry their firearms outside their residences even though their licenses are suspended,” ani Garcia.
“Many are really being stubborn… They continue to choose to violate the law,” dagdag pa niya.
Ayon sa Comelec – Gun Ban and Security Concerns Committee, umabot sa kabuuang 1,131 indibidwal ang nabigyan ng certificate of exemption mula sa gun ban.
Ipinaalala ng Comelec na maaaring mag-aplay pa rin para sa exemption sa kanilang tanggapan.
Magtatagal ang election period hanggang Hunyo 11, 2025.
Ang mga mahuhuling nagdadala ng baril nang walang exemption mula sa Comelec ay maaaring magkaroon ng dalawang kaso, ayon kay Garcia.
“You may face an election offense case and violation of the firearms law.”
Ayon sa batas, ipinagbabawal ang pagdadala, pag-transport o paggamit ng baril o iba pang mapanganib na armas sa panahon ng eleksyon maliban na lamang kung may nakasulat na pahintulot mula sa Comelec.
Samantala, nanawagan si Garcia sa publiko na maging mapagpasensya hinggil sa implementasyon ng mga checkpoint sa buong bansa.
“We are asking for your patience if checkpoints are causing them delays. It is for our safety,” ani Garcia.
Sa kabuuan, mayroong 1,411 na mga checkpoint sa bansa para sa mga pambansang at lokal na halalan sa Mayo.
Photo credit: Philippine News Agency