Ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS), 41% ng mga Pilipino ang pabor sa pagpapatalsik kay Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang posisyon. Ang nasabing nationwide survey ay isinagawa noong Disyembre 12-18, 2024 sa pangunguna ng Stratbase Consultancy, na may 2,160 respondents at ±2% margin of error.
Batay sa resulta, 35% ng mga Pilipino ang tumututol sa impeachment, habang 19% ang nananatiling undecided. Ang survey ay naganap matapos ang pag-file ng tatlong impeachment complaints sa House of Representatives laban kay Duterte, kaugnay ng mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds ng kanyang opisina.
Sa Balance Luzon, umabot sa 50% ang pabor sa impeachment—ang pinakamataas sa lahat ng rehiyon. Samantala, sa Mindanao, na kinikilalang balwarte ng pamilya Duterte, 56% ang tumututol, 22% ang sumusuporta, at 18% ang undecided. Sa Visayas, 40% ang pabor, 33% ang tutol, at 24% ang undecided.
Sa demographic breakdown, ang pinakamataas na suporta para sa impeachment ay mula sa Classes A, B, at C na umabot sa 50%, samantalang pinakamababa ito sa Class E na may 37%.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng suporta para sa impeachment ay ang umano’y “unexplained spending” ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong si Duterte pa ang kalihim. Ayon sa survey, 46% ng respondents ang binanggit ito bilang rason. Bukod dito, 36% ang nagsabing ang pagtanggi ni Duterte na humarap sa imbestigasyon ng Kongreso ang dahilan, habang 24% ang tumutukoy sa umano’y banta ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Photo credit: Philippine News Agency