Tuluyan nang pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon sa diskwalipikasyon ni dating Gobernador Noel Rosal ng Albay para sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
Sa resolusyon ng Comelec en banc, ibinasura ang Motion for Reconsideration (MR) na inihain ni Rosal dahil sa kawalan ng bagong argumento na maaaring baguhin ang naunang hatol.
Ayon sa pitong miyembrong panel ng Comelec, kinatigan nila ang desisyon ng Second Division na nagkansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Rosal para sa pagka-gobernador ng Albay. Nilinaw ng Comelec na ang mga isinumiteng argumento ni Rosal sa MR ay pawang mga dati nang natalakay at walang merit na magpapabago sa hatol.
Ani ng Comelec: “We agree with the discussion of the Commission (Second Division) that there are factual grounds to disqualify Respondent Rosal under Section 40 (b) of the Local Government Code.”
Ang Section 40 (b) ng Local Government Code ay nagbabawal sa sinumang opisyal na tinanggal sa pwesto dahil sa kasong administratibo na tumakbo muli sa halalan.
Si Rosal ay nanalong gobernador noong Mayo 2022 elections, ngunit noong Hunyo 2024, siya ay tinanggal ng Office of the Ombudsman matapos mapatunayang nagkasala sa mga kasong grave misconduct, oppression, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Kasama sa ipinataw na parusa ang perpetual disqualification mula sa anumang pampublikong posisyon at pagkansela ng kanyang eligibility, na agad na ipinatupad.
Noong Oktubre 2024, muling naghain si Rosal ng COC para sa pagka-gobernador ng Albay sa Mayo 2025 elections, ngunit tuluyan na itong kinansela ng Comelec, na nagpatibay sa kanyang diskwalipikasyon.
Photo credit: Facebook/GovRosal