Tinukoy ng Police Regional Office 3 (PRO-3) ang 12 bayan sa Central Luzon na posibleng maging election hotspots para sa darating na midterm elections sa Mayo 2025. Ayon kay PRO-3 Director Brigadier General Redrico Maranan, ang mga bayan na ito ay nasa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Bataan, Bulacan, at Pampanga.
Bagama’t kontrolado ang political situation sa rehiyon, sinabi ni Maranan na mahigpit nilang binabantayan ang mga lugar na may potensyal na karahasan dulot ng matinding tunggalian sa politika.
“Historically, alam naman natin na ang Central Luzon ay talagang may mga intense political rivalry. May mga violent incident rin na nangyari sa mga nakaraang eleksyon. Kaya ngayon, ‘yung mga lugar na ‘yun ay ating tinututukan. Kasama din sa mga ni-recommend natin for further monitoring at dinadagdagan natin ‘yung mga resources natin na nandoon, kasama na ang pagdagdag ng mga pulis at logistical resources,” ani Maranan sa isang panayam sa Camp Crame.
Kasama sa kanilang hakbang ang pagdagdag ng 200 pulis sa Nueva Ecija upang bantayan ang natitirang private armed group sa lalawigan. Iniulat din na limang criminal groups sa Region 3 ang nabuwag noong 2024 sa ilalim ng direktiba ni Interior Secretary Jonvic Remulla.
Dagdag-Seguridad Para Sa Halalan
- Mula Oktubre hanggang Disyembre 2024, 1,346 armas ang nakumpiska ng PRO-3 sa mga checkpoint, habang 266 baril ang nakuha mula sa mga operasyon gamit ang search warrant.
- Ang mga pulis na konektado sa mga kandidato ay inilipat na sa ibang lugar upang maiwasan ang anumang impluwensya sa darating na halalan.
- Nagsimula ang nationwide gun ban noong Enero 12, 2025, kasabay ng opisyal na campaign period. Nagtayo ng mga checkpoint sa mga estratehikong lugar para sa seguridad.
Ang PRO-3 ay nananatiling alerto sa posibleng karahasan at tiniyak na gagawin ang lahat upang masigurong magiging mapayapa at maayos ang halalan sa Central Luzon.
Photo credit: Facebook/pnagovph