Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang kanyang suporta sa deklarasyon ng food security emergency upang mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa panayam ng media sa Burauen, Leyte, sinabi ng Pangulo na kinakailangan ang naturang deklarasyon dahil hindi gumagana nang maayos ang merkado, sa kabila ng pagsusumikap ng gobyerno na pababain ang presyo ng bigas.
“Hindi nasusundan ang demand and supply curve dahil hanggang ngayon kahit ibaba mo lahat ng inputs, ang pagbenta pa rin, mataas pa rin,” paliwanag ni Marcos.
Dagdag pa niya, “And so, we have to force that price down and we have to make sure that the market works properly na walang (without) friction cost na nangyayari dahil sa sari-sari, iba’t ibang bagay at ‘yung iba doon ilegal kaya’t iyan ang iniimbestigahan ngayon ng Kongreso.”
Inihayag din ni Marcos na ang rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) ay ipapadala na sa Department of Agriculture (DA) sa susunod na linggo.
Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na ang food security emergency ay opisyal na idedeklara bago matapos ang Enero, base sa rekomendasyon ng NPCC. Layunin nito na tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Sa ilalim ng deklarasyon, ang National Food Authority (NFA) ay makakapagbenta ng bigas sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno sa mas mababang presyo. Ito rin ay magpapaluwag ng espasyo sa mga bodega ng NFA at tutulong sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng palay para sa nalalapit na anihan.
Bukod dito, iminungkahi ni Tiu-Laurel ang pagpapatupad ng “hybrid” na taripa sa bigas bilang karagdagang hakbang upang pababain ang presyo ng pangunahing pagkain.
Sa ilalim ng Executive Order 62 na inilabas ni Marcos noong Hunyo 2024, ibinaba ang taripa sa bigas mula 35 porsyento patungong 15 porsyento.
Sa kasalukuyan, mayroong halos 300,000 metriko tonelada ng stock ng bigas ang NFA na maaaring ibenta sa mga LGUs at ahensya ng gobyerno.
Ayon sa Rice Tariffication Law, limitado na ang papel ng NFA sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka upang mapanatili ang national rice buffer stock tuwing may kalamidad. Gayunpaman, pinalawak na ang layunin ng batas upang pataasin ang target procurement volume ng buffer stock mula siyam na araw patungong 15 araw.
Photo credit: Philippine News Agency