Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato ng darating na Mayo 2025 elections na maaari silang ma-disqualify kung hindi nila aalisin ang kanilang mga billboard at iba pang campaign materials bago ang opisyal na campaign period.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, hindi pa opisyal na nagsisimula ang campaign period, kaya’t ang mga premature campaign materials ay maaaring gamitin bilang basehan para sa disqualification ng mga kandidato.
Mga Alituntunin Ayon Sa Comelec Resolution No. 11086
Nakasaad sa resolusyon na lahat ng ipinagbabawal na election propaganda ay kailangang alisin sa loob ng 72 oras bago magsimula ang campaign period. Narito ang iskedyul ng campaign period:
- Senators at party-list representatives: Pebrero 11 hanggang Mayo 10, 2025
- Local candidates: Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025
Dagdag pa ni Garcia, umaasa ang Comelec na susundin ng mga kandidato ang mga patakaran upang maiwasan ang anumang paglabag. Inihayag din ni Garcia ang pagkadismaya ng publiko, pati na rin niya, sa paglaganap ng malalaking campaign materials sa mga pangunahing lansangan at mga patalastas sa media.
“All of us are getting offended by these giant campaign materials we see on the road,” ani Garcia.
Gayunpaman, nilinaw niya na walang aksyon ang maaaring gawin sa ngayon dahil nakasaad sa Republic Act 9369 na ang isang kandidato ay maituturing na opisyal lamang kapag nagsimula na ang campaign period.
Photo credit: Philippine News Agency